MANILA - Nagsimula nang bumuhos sa mga pantalan at bus terminal, Linggo, ang mga pasaherong pauwi sa mga probinsya para sa Undas.
Sa Araneta bus terminal sa Quezon City, pahirapan na para sa mga chance passenger ang pagsakay sa mga bus, lalo na ang mga papuntang Bicol.
Kuwento ng ilang pasahero, Sabado ng hapon pa sila naghihintay ng masasakyan.
"Sobra talaga ang tagal, hindi katulad ng dati. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito," sabi ni JR Puro.
"Hintay-hintay lang daw, puno kasi lahat ng bus e," dagdag ni Jomar Santos.
Dagsa na rin ang mga biyahero sa hilera ng mga bus terminal sa EDSA-Cubao.
Sa Five Star terminal, 20 bus na biyaheng Pangasinan, Tuguegarao, Cabanatuan at Tarlac ang dumarating kada oras.
Mas marami pa naman ang mga bus kaysa mga pasahero sa mga paradahan ng Jac Liner, Genesis, Jam Liner at Super Lines.
Nawalan naman ng cellphone ang isang Korean national sa Batangas Port, ayon sa Philippine Coast Guard.
Wala pang eksaktong bilang ang pamunuan ng pantalan, pero kumpara nitong Sabado ay mas marami na anila roon ang mga pasaherong patungong Mindoro, Romblon, Marinduque at iba pang parte ng Visayas.
Nagsimula na ring humaba ang pila ng mga pasahero sa Cebu North at South Bus Terminal sa Cebu.
Binigyan ng Land Transportation Office ang mga pasahero ng complaint form para maisumbong ang mga kaso ng labis na singil sa pamasahe, overloading at reckless driving.
Samantala, una nang sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hinigpitan na ang seguridad sa 39 commercial airports ng bansa.
No comments:
Post a Comment